health

[health][bsummary]

vehicles

[vehicles][bigposts]

business

[business][twocolumns]

๐—•๐˜‚๐—ต๐—ฎ๐˜†-๐˜€๐—ฎ๐—ฟ๐—ฑ๐—ถ๐—ป๐—ฎ๐˜€ ๐—ป๐—ด ๐—บ๐—ด๐—ฎ ๐—•๐—ฎ๐—ธ๐˜„๐—ถ๐˜

1000016805
Pamilyang bakwit gikan sa Marawi City. S’bang Ka Marawi photo

MARAWI CITY (MindaNews / 23 May 2026) – Nakahiga sa malamig na sahig, at siksikan—mga salitang hindi mo aakalaing mararanasan sa oras ng pagpapahinga. Ngunit kung sa tingin mo ay hindi ito makatotohanan, ito mismo ang reyalidad gabi-gabi sa loob ng maraming tahanan sa Bakwit Village tuwing sila’y matutulog.

Sa loob ng masikip na espasyo ng tahanan ni Aisah Pundugar, isang Internally Displaced Person (IDP), animo’y sardinas sa loob ng lata ang kanilang kalagayan. Kasama ang kanyang asawa, mga anak, at iba pang kaanak—sa kabuuan ay siyam na katao—kumikilos sila nang may matinding pag-iingat sa loob ng 20-metrong kwadradong tirahan.

“Ina-arrange ko sila sa gabi sa kama, kami sa baba. ‘Yong iba sa katabi ng banyo kasi hindi kami kasya,” mahinahong salaysay ni Aisah. Nasa kama ang mga bata, nasa sahig ang mag-asawa, dagdag niya.

Ang buhay nina Aisah ay isa lamang sa mga kwentong patuloy na hinuhubog ng hirap sa Bakwit Village sa Pindolonan, Saguiaran, Lanao del Sur matapos ang makasaysayang Marawi Siege noong 2017. Matapos masira ang kanilang mga orihinal na tahanan dahil sa bakbakan ng mga sundalo at rebelde, wala silang ibang mapagpipilian kundi ang lumikas at simulan ang buhay sa mga nakalaang temporary shelter.

Ngunit ang hirap ay hindi natatapos sa kawalan lamang ng sapat na espasyo. Dahil sa madalas na pagkawala ng kuryente, nagtitiis sila sa init na dulot ng panahon. Walang ibang magawa ang mga anak ni Aisah kundi ang maghubad ng damit o tuluyang matulog sa semento kapag hindi na kayang tiisin ang init. 

“Kapag mainit, lumalabas kami dito [sa labas ng bahay] pero ‘pag gabi, nakahiga sila sa semento kasi mainit eh,” dagdag pa niya.

Bukod sa init, mas mabigat na pasanin para kay Aisah kung paano itataguyod ang pamilya niya sa pang araw-araw nilang gastusin. Malayo ito sa nakasanayan nilang buhay bago ang digmaan.

“Extra-extra lang ang trabaho ng asawa ko. Halimbawa, ‘pag may ini-install na roll-up. Kasi welding shop ang hanapbuhay namin dati sa Marawi. Noong siege ay pumapasada rin siya ng tricycle” kwento pa niya.

Para may mapagkukunan, dinugtungan nila ang kanilang bahay gamit ang kahoy upang makabuo ng maliit na tindahan. Ang puhunan para rito ay nanggaling sa Unlad Pamilyang Bangsamoro Program, isang flagship social protection at livelihood project ng Ministry of Social Services and Development sa BARMM. 

“Ginawa kong puhunan para makatulong kahit papaano sa pag-aaral ng mga anak ko, sa gastos namin pang-araw-araw, nakukuha namin sa sari-sari store,” ani Aisah.

Madalas kapag walang sapat na kinikita ang asawa ni Aisah, kumukuha na lamang sila ng pangkain sa laman ng tindahan nila. Kapag may trabaho na siya at kumita, ibinabalik namin dito sa tindahan. Ganoon ang routine namin,” saad pa niya.

Habang lumalaki ang mga anak ni Aisah, nananatiling limitado ang espasyo sa mga kabahayan ng Bakwit Village; mas lalo pa silang nahihirapan dahil sa natapos na kontrata ng pabahay. Ayon kay Aisah, sa halip na tuluyang ibigay ang libreng relokasyon at lupa sa mga biktima ng digmaan, may mga bagong patakarang nagbabanta na kailangan na nilang magbayad ng renta para lamang manatili sa mga shelter na ito.

Para kay Aisah, ito ay dagdag-pasakit para sa mga kagaya nila na bakwit at pangarap niyang hindi ito ang buhay na kalalakihan ng kanyang mga anak. (Jamyla A. Guinal, Alkhairia Rangiris & Jazheel Sarino/S’bang Ka Marawi)

___________________________________________

Ang feature article na ito ay bahagi ng S’bang Ka Marawi Reporters’ Fellowship Training noong Mayo 9–10, 2026. Ang mga istoryang ito ay suportado ng Mindanao Institute of Journalism/MindaNews, International Media Support (IMS), IDEALS Inc., at Bread for the World.

#RememberingMarawi

#9thCommemorationMarawiSiege


No comments:

Post a Comment